Inamin ni PNP o Philippine National Police Chief Director General Ronald dela Rosa na nasingitan ang PNP sa sunod-sunod na pagpapasabog sa Quiapo, Maynila.
Ginawa ni Dela Rosa ang pag-amin makaraang ilawaran bilang failure of intelligence ni Senate President Koko Pimentel ang kambal na pagsabog sa Quiapo.
Ayon kay Dela Rosa, handa siyang humarap sa Senado upang ipaliwanag kung saan napupunta ang intelligence fund ng PNP.
“Medyo nagkulang tayo doon may sumabog pero atleast masasabi natin na hindi naman konektado sa terrorism yun dahil yung ating intelligence ay nakatutok sa terrorism, itong mga personal na away ay hindi natin natutukan. We can explain our side, kahit yung pondo, kung pondo ang pag-uusapan, talagang minalas lang talaga tayo doon.” Ani Dela Rosa
Kasabay nito, aminado rin si Dela Rosa na mahirap magbigay ngayon ng katiyakan na ligtas sa kahit anong klase ng terorismo o panggugulo ang bansa.
Gayunman, isandaang (100) porsyento aniya niyang maipapangako sa taongbayan na ginagawa nila ang lahat ng kanilang magagawa upang mapanatiling ligtas at mapayapa ang bansa.
“Minsan kinukulang tayo but still we’re working, mahirap magbigay ng assurance na walang (panganib sa kaligtasan), hindi naman natin puwedeng mabantayan lahat ng corner, lahat ng tao, ang assurance lang na maibibigay ko sa taongbayan, the whole government for this matter is doing its best, hindi kami natutulog at talagang ginagampanan natin ang ating tungkulin.” Pahayag ni Dela Rosa