Sa magkabilang gilid ng kalsada sa Granville Island sa Vancouver, British Columbia, Canada, mayroong street signs na nanghihikayat sa mga tumatawid na kumuha ng red brick.
Ang mga pulang blokeng ito ay ginagamit upang mapanatiling ligtas ang pedestrians. Paano? Sa pamamagitan ng pagwagayway nito habang tumatawid!
Ang inisyatibang ito ay inilunsad ng Vision Zero Vancouver, isang non-profit organization na layong bawasan ang bilang ng mga nasasawi at nasusugatan dahil sa pagkakabundol ng sasakyan.
Hango ito sa flag crosswalks ng ibang lugar, kung saan may iwinawagayway na bandila ang pedestrians habang tumatawid.
Ayon kay Mihai Cirstea, volunteer ng Vision Zero Vancouver, nagsimula man ang ideyang ito bilang April Fools’ Day joke, mayroon itong malalim ng mensahe.
Sa pamamagitan ng pagdala ng brick na gawa sa foam, nakukuha ang atensyon ng mga driver at naibabalik ang kapangyarihan sa tumatawid.
Bagama’t plano ng organisasyon na ipagpatuloy ang Pedestrian Brick Crossing System, sa kasamaang-palad, kinailangan nila itong tanggalin matapos ang April 1.