Humingi ng paumanhin sa media si PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa dahil sa hindi pagpapapasok sa mga ito sa New Year’s Call ng PNP at DILG.
Ayon kay Dela Rosa, hindi niya ipinag-utos ang pag-ban sa mga mamamahayag.
Sa katunayan, aniya, hindi niya alam na hindi nakapasok ang media sa Multipurpose Center ng Kampo Crame kung saan ginanap ang nasabing na New Year’s Call.
Nilinaw din ni Dela Rosa na walang tinatago ang PNP at hindi siya natatakot na magkamali sa sasabihin sa kanyang mga tauhan sa harap ng media.
Samantala, ayon naman kay PNP Spokesman Senior Superintendent Dionardo Carlos, ang grupong punong-abala sa nasabing pagtitipon ang nagdesisyong huwag nang papasukin ang media dahil masikip na ang lugar.
Magkasunod kasi ang New Year’s Call nina Dela Rosa at Interior Secretary Mike Sueno sa parehong venue kaya’t inilaan na lang sa catering ang ikalawang palapag ng gusali na para sana sa media.
By: Avee Devierte / Jonathan Andal