Droga at krimen, yan ang prioridad ng Duterte Adminsitration na dapat ay kalusin at matigil.
Kaya naman, isa sa inilagay niyang tao para maipatupad ito ay ang “Bato” ng Mindanao na handang bumangga sa mala-pader ding kalaban.
Siya si Chief Supt. Ronald “Bato” dela Rosa, PMA Graduate Class of 1985, at dating Davao City Police Director.
Pero bago pa man siya maging susunod na PNP Chief sa ilalim ng Duterte Administration, matagal ko nang kilala si General dela Rosa.
Habang ako ay baguhang reporter ng ABS-CBN Davao noong taong 1993 hanggang 1996, malalim na ang pagkakilala ko kay dela Rosa.
Madalas ko siyang na-interview sa Sasa Police Station, kung saan siya ay Station Commander lamang.
Samu’t-saring accomplishment ang kanyang napatunayan lalo’t puntirya niya sa kanyang nasasakupan noon ay ang laganap na bentahan ng ilegal na droga.
Swak naman din ito sa hinawakan kong “beat” sa paghahatid ng balita at ito ang “crime beat” kaya’t laman ng TV Patrol Mindanao noon ay ang mga nahuhuli nilang mga sangkot sa ilegal na droga.
Kaya naman tiwala akong kaya niyang maipatupad ang utos ni Duterte na unahing linisin ang bansa sa droga at kriminalidad.
Yun nga lang, hindi kaya ng isang General dela Rosa na akuin ang napakalaking responsibilidad na ito, kailangan pa rin ang tulong ng bawat isa sa atin.
Kung ayaw niyo sa droga, mas maiging umiwas at isuplong ang mga nagpapalaganap nito.
At kung kayo naman ay “supporter” ng mga durugista at salot sa lipunan, aba’y huwag niyo nang antayin pang ma-krus pa ang inyong landas ng mga itinalaga ni President Rody, tiyak na may paglalagyan kayo.
Ika nga sa madalas na mensahe ni President Rody sa mga kriminal, “Kamong mga kriminal, abli ang dakbayan sa inyuha, pero kung duna mo’y himoong dautan diri, akong gisiguro nga di gyod mo maka-gawas ug buhi” (“Welcome kayo sa pagpasok at pagbisita sa Dabaw, pero kung may kabulastgan kayong gagawin dito, sisiguruduhin kong di kayo makakalabas ng buhay”.)