Binuweltahan ni Philippine National Police o PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa ang kanyang mga kritiko na bumabatikos sa pagpunta niya sa Russia bago naganap ang sagupaan sa Marawi City.
Ayon kay Dela Rosa, kung alam lang nilang mangyayari ang ganitong gulo hindi na sila tutuloy sa Russia.
Iginiit pa ni Dela Rosa na umuwi naman sila agad isang araw matapos sumiklab ang bakbakan sa Marawi.
Una nang inamin ng PNP Chief na nakatanggap sila ng impormasyon sa magiging galaw ng Maute group sa Marawi, pero hindi aniya ito naging detalyado.
Naarestong police scalawags umabot na sa 27
Umaabot na sa dalawampu’t pitong (27) tiwaling pulis ang naaresto ng PNP-CITF o Philippine National Police – Counter Intelligence Task Force sa tatlong buwan nilang operasyon.
Pinakahuli sa nadagdag si PO1 Reynaldo Barreto na naaresto noong Lunes sa entrapment operation sa isang grocery store sa San Mateo, Rizal dahil sa kasong robbery extortion.
Ayon kay PNP-CITF Chief, Police Sr. Supt. Jose Chiquito Malayo, sa lahat ng kanilang nahuli, chief inspector ang pinakamataas na ranggo.
Umaabot aniya sa limampu (50) hanggang isandaang (100) reklamong natatanggap nila araw-araw laban sa mga scalawags.
Hinikayat naman ni Malayo ang publiko na isumbong sa kanila ang mga tiwaling pulis sa mga numerong 0998-970-2286 at 0995-795-2569.
By Meann Tanbio | With Report from Jonathan Andal