Pinataas ni Philippine National Police o PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang morale ng mga sinibak na pulis-Caloocan.
Sa pagsisimula ngayong araw ng 45-day retraining sa mga miyembro ng Caloocan PNP ay sinabi ni Bato na nananatili ang tiwala niyang mas marami pa rin ang matitinong pulis sa kanilang hanay.
“I’m still very proud of you, kahit ano pang sabihin nila. Siguro iilan lang sa inyo gumagawa ng kalokohan, mas marami sa inyo, matitino. nadadamay lang tayo.” Ani Dela Rosa
Ayon kay Chief Bato walang dapat ikahiya ang mga nasabing pulis bagkus ay hinikayat ang mga itong harapin ang problema.
“We have to make drastic move para sabihin ng taumbayan na hindi natin pinababayaan ang problema.” Dagdag ni Dela Rosa
Aniya layunin ng retraining na gawing mas maka-Diyos, maka-bansa at mas makatao ang mga miyembro ng Kapulisan.
“Kung kayo’y nasasaktan dahil kayo’y gumagawa ng kabutihan, mas lalo na ako. Hindi ako galit sa inyo, in fact, humahanga ako sa inyo dahil sa ginawa ninyo sa Caloocan (sa kampanya kontra droga).” Pahayag ni Bato
Matatandaang sinibak at pinalitan sa puwesto ang buong puwersa ng Caloocan PNP kasunod ng mga kinasangkutang kontrobersiya, ilan na nga diyan ay ang pagkakapatay sa mga kabataang sina Kian Loyd delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo ‘Kulot’ De Guzman sa mga ikinasang police operation; at ang pagpasok naman ng mga alagad ng batas sa isang residential home sa Caloocan nang walang anumang search warrant.
(Ulat ni Jonathan Andal)