LABIS na ikinababahala ng Globe ang pagtaas ng mga kaso ng battery theft sa network facilities nito kung saan 834 ang ninakaw sa first half ng taon.
Ayon sa nangungunang digital solutions platform, mas mataas ito ng 2.4 beses kumpara sa 352 kaso na naitala sa buong 2022.
Nabatid na sa hanay ng mga rehiyon, ang Mindanao ang nagtala ng pinakamaraming insidente na may 424, kasunod ang Visayas na may 363 at ang Greater Manila Area na may 47.
Ang mga baterya ay mahalaga bilang backup power sa panahon ng area-specific commercial power outages, partikular kapag may kalamidad. Kung wala ang mga ito, ang mga apektadong lugar ay nagiging mahina sa telco service interruptions.
Sa nakalipas lamang na dalawang buwan, iniulat ng telco ang dalawang insidente ng battery theft sa Metro Manila na naganap ‘in broad daylight’ kung saan isa sa Malabon noong September 23 habang isa naman sa Tondo noong October 20.
“Battery theft, especially those brazenly carried out during the day, are a stark reminder of the challenges we face. While we’re dedicated to ensuring 24/7 reliability, the increasing incidents of battery theft undermine our ability to maintain uninterrupted service, especially during power outages,” sabi ni Mike Honig, Globe Head of Network Field Maintenance for GMA.
Habang nakikipag-ugnayan ito sa local authorities, hinihikayat ng Globe ang local government units (LGUs) na magsagawa ng random inspections sa kanilang mga lugar dahil makikinabang din ang mga komunidad sa pangangalaga sa mga kagamitan ng telecom providers.
Kasabay ntio, binalaan din ng telco ang publiko na ang pagbili ng mga nakaw na gamit o ari-arian ay may kaakibat na parusa.
Giit ng kompanya, ang mga mahuhuling nakikipagsabwatan sa pagbili at pagbebenta ng mga ari-arian ay mahaharap din sa kaso.
Samantala, maaaring iulat sa Globe Security Command ang mga insidente ng battery theft sa numerong 09176888545 o sa Philippine National Police via 24/7 helpline 16677 o sa pinakamalapit na police station.