No show pa rin si dating COMELEC o Commission on Election Chairman Andy Bautista sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Committee on Banks kaugnay ng posibleng kanyang paglabag sa Anti Money Laundering Law.
Sa halip nagpadala na lamang ng sulat si Bautista na naka-address kay Senate President Koko Pimentel at Senate Committee on Banks Chairman Chiz Escudero.
Batay sa kanyang sulat, hiniling ni Bautista na bawiin ng komite ang kanilang inisyung subpoena laban sa kanya.
Paliwanag ni Bautista, wala siyang natatanggap na anumang imbitasyon mula sa Senate Committee on Banks dahil nasa ibang bansa aniya siya simula pa noong Nobyembre 21 noong nakaraang taon para magpatingin ng kanyang karamdaman.
Inilakip din ni Bautista sa kanyang sulat ang mga medical certificates mula sa kanyang mga doktor.
Kasabay nito, hiniling pa ni Bautista na kung maaari na lamang niyang sagutin sa pamamagitan ng mga sulat ang katanungan sa kanya ng komite.
(Ulat ni Cely Ortega- Bueno)