Tikom na ang bibig ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista sa isyu ng bangayan nila ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon.
Ito ay kaugnay sa pagkuwestyon ni Bautista sa inihaing komento ni Guanzon sa Korte Suprema na may kinalaman sa disqualification case ni Senadora Grace Poe na wala umanong otorisasyon mula sa pinuno ng COMELEC.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Bautista na bukas ay magpupulong ang COMELEC En Banc kaugnay ng naturang isyu.
“Ako po sabi ko ayoko na munang magsalita sa isyung ito, dahil hindi naman nakakatulong ito sa ating COMELEC. “Ani Bautista.
Naniniwala si Bautista na bunga lamang ito ng hindi pagkakaintindihan na maaayos din sa lalong madaling panahon.
“Pero ako din po ay naniniwala na kumbaga yung mga ganito, gaya nung nakita po natin sa isang diyaryo noong isang araw COMELEC in disarray, naku hindi naman po siguro, meron pong hindi pag-uunawaan.” Dagdag ni Bautista.
Sa huli, sinabi ni Bautista na handa rin siyang pabuksan ang ang audio at vouchers ng COMELEC kasunod ng hamon ni Guanzon upang malaman aniya kung sino sa kanila ang nagsasabi ng totoo.
“Ayoko na sanang umabot diyan, pero pag-usapan po natin pang-bukas yan.” Pahayag ni Bautista.
By Ralph Obina | Karambola