Iginiit ng isang grupo ng magsasaka na walang emergency sa usapin ng supply ng bigas sa bansa kaya’t nakapagtataka ang ginawang pagpirma ng Malacañang sa bawas-buwis sa rice importation.
Binigyang diin ng Federation of Free Farmers (FFF) na mga importer at tatlong bansa lamang gaya ng China, Pakistan at India ang makikinabang sa Executive Order No. 135 na nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte nitong ika-15 ng Mayo.
Sinabi ni FFF national manager Raul Montemayor na walang maituturing na emergency sa usapin ng supply ng bigas para pangunahan ng Malacañang ang kongreso.
Isa na naman aniyang sampal ang pagbaba ng taripa sa rice imports sa 35% sa loob ng isang taon mula sa 50% at 40%.
Paliwanag pa ng FFF, inilabas ang EO 135, dalawang araw bago muling magbukas ang sesyon ng kongreso kung saan dapat nagmumula ang mga panukala sa taripa at buwis. —sa panulat ni Rashid Locsin