Iminungkahi ng mga alkalde sa Metro Manila na dagdagan na lamang ang mga sasakyang papayagang bumiyahe partikular ng mga jeep sa halip na magpatupad ng reduced physical distancing.
Ayon kay Metro Manila Council Chairman Edwin Olivarez, dapat ay pag-aralan muna ng mabuti kung hindi ba magkakaroon ng negatibong epekto ang pagbabawas ng distansya sa mga pampublikong transportasyon.
Tila ipinapakita rin aniya nito ang kanilang pagiging inconsistent sa kanilang mensahe na nais iparating sa publiko kaugnay sa mahigpit na pagpapatupad ng 1-meter physical distancing sa labas ngunit pagdating sa sasakyan ay maaari na hanggang 0.75-meter.
Ani Olivarez, sa ngayon, ang nakikita nilang mainam na solusyon ay dagdagan pa ang mga bumabyaheng pampublikong sasakyan upang maiwasan ang pagtatabi-tabi ng mga ito sa sasakyan at maiibsan din nito ang hirap sa pagco-commute ng mga pasahero.
Matutulungan din aniya nito ang mga tsuper na naapektuhan ang hanapbuhay matapos matigil sa byahe dahil sa ipinatutupad na community quarantine.