Sinuspinde ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang ipinatutupad simula noong Lunes na 0.75-meter physical distance ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan.
Ipinabatid ito ni Presidential Spokesman Harry Roque kaya’t balik sa 1-meter ang distansya ng mga pasahero sa public transportation.
Sinabi ni Roque na tanging ang Pangulong Rodrigo Duterte lamang ang makakapagpasya kung pananatilihin sa standard na 1-meter o babawasan ang physical distance ng mga sumasakay sa public utility vehicles.
Ayon pa kay Roque, posibleng sa Lunes na magpalabas ng desisyon ang Pangulong Duterte sa nasabing usapin sa kaniyang lingguhang ulat sa bayan dahil ngayong araw pa lamang isusumite ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang report hinggil dito.