Inaprubahan na ng Energy Regulatory Commission o ERC ang hirit ng Manila Electric Company (MERALCO) na P0.17 na bawas sa distribution charge.
Ayon kay Energy Regulatory Commission (ERC) Spokesperson Executive Director Atty. Francis Saturnino Juan, sadyang inihabol ng komisyon ang pagpapalabas ng provisional approval sa pagbaba ng singil ng MERALCO at naihabol nito sa paglabas ng July bill.
“Makikita na kaagad natin ito sa ating July bill kasi hinabol talaga ng komisyon ang pagpapalabas ng provisional approval sa pagbaba ng singil ng MERALCO noong Biyernes at ito nama’y nakahabol sa pagpapalabas ng MERALCO sa kanyang July bills.” Ani Juan.
Posibleng di pa rin maramdaman ng publiko
Ngunit, posibleng hindi pa rin maramdaman ng publiko ang panibagong pagbaba sa singil ng kuryente ng Manila Electric Company (MERALCO).
Kasunod ito ng pag-apruba ng Energy Regulatory Commission (ERC) ng P0.17 sa distribution charge.
Ayon kay ERC Executive Director Atty. Saturnino Francis Juan, ito ay dahil epektibo ring ngayong buwan ang dagdag P0.20 na generation charge.
“Yung pagbaba, ito’y tuluy-tuloy hanggang magkaroon ng bagong singil na maaprubahan ang ERC para sa MERALCO, subalit yung generation charge kung sa susunod na buwan naman ay maging maganda na ang lagay ng suplay at wala na ring Malampaya gas restriction, baka naman bumaba pa rin lalo’t ngayon na pababa din ang demand dahil tag-ulan na.” Pahayag ni Juan.
By Mariboy Ysibido | Rianne Briones | Ratsada Balita