Asahan na bukas, Abril a-5 ang bawas-singil sa presyo ng produktong petrolyo na tatagal hanggang sa Abril a-11.
Ayon kay Dir. Rino Abad ng Department of Energy (DOE) Oil Industry Management Bureau, nasa mahigit dalawang piso ang rollback sa presyo ng kada litro ng diesel at gasolina.
Asahan din ang bawas presyo sa kada litro ng kerosene o gaas.
Sa pahayag ng kumpaniyang UniOil, aabot sa P1.80 centavos ang bawas-singil sa kada litro ng diesel habang P2 naman ang magiging bawas-singil sa presyo sa kada litro ng gasolina.
Sa pahayag ng DOE, ang bawas singil sa presyo ng produktong petrolyo ay dahilan ng naging hakbang ng United States kung saan, naglabas ang kanilang bansa ng langis mula sa Strategic Petroleum Reserve nito.
Sinabi naman ni Rodela Romero, Assistant Director ng DOE Oil Industry Management Bureau, layunin nitong mabalanse ang supply at demand sa World Market.
Sa ngayon, nangako ang iba pang bansa sa Europa na maglalabas din ng mga stockpile ng langis upang matugunan ang kakulangan sa suplay ng produktong petrolyo. —sa panulat ni Angelica Doctolero