Bilang mga tagapagmana ng kalayaang ipinaglaban ng grupo ni Andres Bonifacio, inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tungkulin natin bilang mga pilipino na panatilihing buhay ang diwa ng kanilang mga layunin at siguruhing mapayapa, malaya, at masagana ang sambayanan.
Sa kanyang talumpati sa ika-159 na kaarawan ni Bonifacio, sinabi ni Pangulong Marcos na dapat sikapin ng lahat na maging pinaka-mahusay na uri ng kanilang mga sarili o maging pinoy na ang katapatan at pagmamahal sa bayan ay kaparis ng ating mga bayaning tulad ni Bonifacio.
Tiwala ang pangulo na magagawa ito sapagkat katuwang ng mga mamamayan ang mga makabagong bayani gaya ng mga doktor, nurse, sundalo, pulis, OFWs, at ang bawat juan at juana na buong-pusong naglilingkod aniya para sa kapwa.
Ang ginagawa aniya ng mga nasabing bayani ay pagpapakita na ang bawat isa sa atin ay may angking kakayahan na makagawa ng kabutihan sa lipunan at pamayanan.
Kahit sino aniya ay maaaring maging bayani sa ating sariling pamamaraan.
Umaasa rin si Pangulong Marcos na habang patuloy na nakikibaka ang mga pinoy sa mga hamon ng modernong panahon ay maging halimbawa aniya si Bonifacio at ang iba pang mga bayani, noon at ngayon, upang magtagumpay sa kanilang mga hangarin. - sa ulat mula kay Gilbert Perdez (Patrol 13).
previous post