Nanawagan si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa bawat pamilya na mahalagang pairalin ang disiplina sa kani-kanilang mga kabahayan para tuluyang masugpo ang banta ng COVID-19.
Ayon kay Belmonte, nagpapatuloy ang hakbang ng QC LGU sa pagsugpo sa virus, kaya’t nararapat din aniyang pati ang bawat pamilya ay makiisa rito sa pamamagitan ng pagsunod sa mga umiiral na minimum health protocols.
Magugunitang noong Hulyo inanunsyo ni Belmonte na nagpositibo siya sa COVID-19.
Pero pagdidiin ni Belmonte, nang dapuan siya ng virus, pinairal sa kanilang tahanan ang disiplina gaya ng istriktong pagsunod sa health protocols at pag-isolate, kaya’t hindi aniya siya nakahawa sa iba pang miyembro ng pamilya.
Sa huli iginiit ni Mayor Belmonte sa mga taga-QC, ugaliin ang pagsuot ng mga personal protective equipments (PPE) gaya ng face mask, face shield, palagiang paghuhugas ng kamay, at pagsunod sa social distancing kontra banta ng COVID-19.