Pinigil muna ng COMELEC ang pagbabayad sa Smartmatic dahil sa daming aberya sa mga vote counting machines sa katatapos lamang na May 9 National at Local Elections.
Sa press conference sa Philippine International Convention Center, inihayag ni COMELEC Acting Spokesman, Atty. John Rex Laudiangco na iniimbestigahan na ang mga alegasyon at nanawagan na hayaan muna ng publiko na matapos ang proseso.
Ayon kay Laudiangco, kailangang hintayin muna ang resulta ng imbestigasyon at ipag-utos ng En Banc kung maba-blacklist ng poll body ang Smartmatic.
Mayroon anyang panuntunan kung paano madidiskuwalipika ang isang contractor sa ilalim ng Government Procurement Act na dapat sundin.
Unanang sinabi ni COMELEC Commissioner George Garcia na hindi na nila gagamitin ang mga VCM ng Smartmatic sa 2025 Midterm Elections dahil sa pagiging luma na nito at samu’t saring aberyang inabot noong Lunes.