Kinondena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang pagpapakuha ng larawan ng mga sundalo katabi ng labi ng anak ni Bayan Muna Representative Eufemia Cullamat.
Ayon kay Bayan Secretary General Renato Reyes, maituturing na war crime, paglapastangan sa isang yumao at paglabag sa International Humanitarian Law ang ginawa ng mga sundalo.
Iginiit ni Reyes, hindi dapat ginagawang parang hayop ang labi ng isang tao, anuman ang paniniwala o naging kasalanan nito sa batas.
Sinabi ni Reyes, tila nais ng militar na i-dehumanize ang mga rebelde para gawing mas katanggap-tangap ang pagpatay sa mga ito.
Una rito, naglabas ng larawan ang militar kung saan makikita ang mga sundalo na hawak ang mga nakumpiskang bandila ng npa habang nakatayo sa likod ng labi ni Jevilyn Cullamat at mga nasabat na matataas na kalibre ng mga armas.