Umaapela na ng tulong ang local government ng bayan ng General Tinio, Nueva Ecija para sa mga residenteng naapektuhan ng bagyong Karding.
Ayon kay General Tinio Mayor Isidro Pajarillaga, kailangan ng mga mamamayan ang food packs at construction materials para sa pagsasaayos ng kanilang mga nawasak na bahay.
Aminado si Pajarillaga na ngayon pa lang nakababawi ang kanilang bayan sa epekto ng covid-19 pero hinagupit naman ng bagyo kaya’t panibago itong sakripisyo.
Anuman anyang tulong na ipararating, lalo ng national government, ay malugod nila itong tatanggapin.
Aabot sa apatnaraang kabahayan ang nawasak at nasa apatnalibong iba pa ang napinsala, kabilang ang munisipyo sa General Tinio.
Ito rin ang unang bayan sa Nueva Ecija na nasalanta ng bagyong Karding matapos ang ikalawang landfall nito sa karatig bayan ng Dingalan, Aurora.