Sinelyuhan muna ng awtoridad ang Jolo, Sulu.
Nangangahulugan ito na walang sinuman ang puwedeng pumasok sa Jolo Sulu maliban sa mga opisyal ng pulisya, militar at mga opisyal ng pamahalaan.
Kasunod ito ng kambal na pagsabog sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral kung saan hindi bababa sa dalawampu (20) ang patay samantalang mahigit pa sa isandaan (100) ang sugatan.
Nasa heightened alert na rin ang seguridad sa buong lalawigan ng Sulu kung saan dinagdagan at mas pinaigting pa ang mga checkpoints.
Maliban sa Jolo, nasa high alert na rin ang awtoridad sa mga syudad ng Isabela at Lamitan sa Basilan.
MILF
Samantala, nanawagan sa pamahalaan ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na masusing imbestigahan ang pagsabog sa simbahan sa Jolo, Sulu.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni MILF Vice Chairman Ghadzali Jaafar na layon nitong maiwasan ang turuan at pagbibintang kung sino ang nasa likod ng kambal na pagsabog.
Hindi bababa sa dalawampu (20) ang nasawi at mahigit sa isandaang (100) iba pa ang nasugatan sa kambal na pagsabog sa Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu.
(Balitang Todong Lakas Interview)
—-