Niyanig ng mga pagsabog ang dalawang barangay sa bayan ng Marantao na katabi lamang ng Marawi City, Lanao del Sur.
Dakong alas-7:00 kahapon ng umaga nang tumama ang bomba sa fence ng isang paaralan sa Barangay Ragaya kung saan halos 500 estudyante ang nakatakda sanang magklase.
Isa ring pampasabog ang tumama sa bahay ng isang opisyal ng United Nations World Food Programme habang dalawa pang bomba ang bumagsak sa bahay ng ilan pang residente subalit hindi sumabog.
Naniniwala naman si Muhammad Abinal, Chief of Staff ng Office of the Mayor, posibleng ligaw na bomba ang mga bumagsak sa kanilang lugar dahil target ng militar ang Barangay Bangan sa karatig bayan ng Piagapo kung saan nag-reregroup umano ang Maute fighters.
Samantala, inihayag naman ni Joint Task Force Marawi Spokesperson, Capt. Jo-Ann Petinglay na maaaring nagmula ang mga bomba sa mga terorista.
By Drew Nacino