Nabalot ng tensyon ang bayan ng Pandag, Maguindanao del Sur matapos pwersahang pasukin ng grupo ni Governor Mariam Sangki-Mangudadatu ang munisipyo upang palayasin si acting Mayor Zihan Mangudadatu sa tanggapan.
Nag-viral pa sa social media ang video nang pagpasok ng grupo ni Sangki-Mangudadatu sa opisina ni Zihan, na nahalal bilang vice mayor at umaaktong alkalde dahil sa rule of succession matapos makulong ang asawang si Khadafeh Mangudadatu, noong Setyembre dahil sa 2 counts ng murder.
Ang nasabing video ay ipinost ni dating maguindanao governor at Representative Esmael “Toto” Mangudadatu na kapatid ni Khadafeh, na natalo kay Sangki-Mangudadatu noong May 9 gubernatorial race.
Nakita rin sa video ang paghablot ng gobernadora sa cellphone ng bise alkalde na tinangkang ipalo sa acting mayor subalit napigilan ng mga bodyguard.
Dito na sumiklab ang gulo sa pagitan ng magkaribal na kampo na nasundan ng pagpapaputok umano ng baril pero hindi pa malinaw kung sino sa dalawang grupo ang nagpaputok.
Kasama ni Sangki-Mangudadatu si dating Maguindanao Administrator Mohajeran “Odjie” Balayman, na nag-file ng election protest at kalauna’y idineklarang nanalo sa may 9 elections at nanumpa kay Sangki-Mangudadatu matapos maglabas ng ruling ang Korte.
Gayunman, kinikilala ni Bangsamoro Interior and Local Government Minister Naguib Sinarimbo si Zihan, bilang elected vice mayor, na dapat humalili sa alkalde matapos makulong ang asawang nitong si Khadafeh nang maglabas ng kautusan ang RTC.