Umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Moro na bigyan pa ng oras para maipasa ang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Ito ay sa harap ng bantang giyera ng mga rebeldeng Moro oras na hindi maipasa ang BBL.
Ayon sa Pangulo, ayaw na niya ng karahasan at handa aniya siyang makipag-usap sa mga ito kung mayroong mang hindi mapapagkasunduan sa panukala.
Sinabi rin ng Pangulo na hindi siya ang unang nagtulak ng pederalismo sa bansa dahil sa naipangako na ito noon ni dating Pangulong Corazon Aquino sa Moro National Liberation Front o MNLF.
‘PDuterte on term extension’
Samantala, hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sundalo at pulis na ikudeta siya oras na lumagpas siya sa kanyang termino.
Sa kanyang arrival speech mula sa India, muling binigyang diin ng Pangulo na wala siyang balak na palawigin ang kanyang termino.
Sinabi ng Pangulo na maaasahan ng publiko na mayroon siyang isang salita na manunungkulan lamang siya nang hanggang anim na taon sa puwesto.
Kasabay nito, nilinaw ng Pangulo na wala siyang kamay sa mga ginagawang pagkilos ng Kongreso na nagsusulong ng pederalismo.
—-