Nananatiling positibo naman si House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na maipapasa pa rin nila ang panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL bago mag-Christmas break ang Kongreso sa Miyerkules, Disyembre 16.
Ayon kay Belmonte, apat na mambabatas na ang nagpalista para sa isasagawang period of interpellation sa plenaryo sa kabila ng patuloy na kawalan ng quorum.
Gayunman, kumpiyansa si Belmonte na makakukuha pa rin sila ng sapat na bilang ng mga mambabatas upang mapagbotohan na at maipasa ang nasabing panukala.
Sa kabila nito, inihayag naman ni Government Peace Panel Chief Miriam Coronel Ferrer na kung hindi maipapasa ang BBL sa panahon ng Aquino administration, patatatagin nila ang nilagdaang kasunduan sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front sa susunod na administrasyon.
OIC nababahala sa pagkakabinbin ng BBL sa Kongreso
Ikinababahala naman ng Organization of Islamic Cooperation o OIC ang patuloy na pagkakabinbin sa Kongreso ng panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Ayon kay Iyad Ameen Madani, Secretary General ng OIC, nangangamba silang mawalan ng saysay ang BBL dahil sa mga inamiyendahang probisyon nito na tila pabor sa pamahalaan ng Pilipinas.
Gayunman, tiniyak ni Madani na patuloy ang kanilang suporta kay Pangulong Noynoy Aquino sa pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao gayundin ang pagpasa sa orihinal na bersyon ng BBL.
Nanawagan din si Madani sa lahat ng stakeholders na maging mahinahon at huwag magsawang suportahan ang mga ginagawang hakbang sa pagtatamo ng kapayapaan sa rehiyon ng Mindanao.
Government Peace Panel
Samantala, pinangangambahang muling sumiklab ang gulo sa mindanao kapag hindi agad maipasa ang panukalang Bangsamoro Basic Law.
Ito ang ibinabala ni Government Peace Panel Chief Miriam Coronel Ferrer kasunod ng patuloy na pagkakabinbin ng BBL sa mababang kapulungan dulot ng kawal ng quorum ng mga mambabatas.
Binigyang diin ni Ferrer na ito na ang huling pagkakataon para sa kasalukuyang administrasyon para ganap na maisabatas ang BBL dahil sa naiinip na aniya ang mga stakeholders.
Dahil dito, nanawagan si Ferrer sa mga mambabatas na dumalo na sa mga sesyon upang ganap nang matalakay sa plenaryo at maipasa ang BBL.
By Jaymark Dagala