Posibleng hindi mapag-usapan ang kontrobersiyal na Bangsamoro Basic Law (BBL) sa pagbubukas ng 17th Congress.
Ayon kay Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, ang napipisil na maging House Speaker ni incoming president Rodrigo Duterte, isusulong ng Kongreso ang federal form of government na siyang prioridad ng administrasyong Duterte.
Aniya, habang hinihintay ang federalism, ipapairal umano ng gobyerno ang tripoli agreement na naging dahilan pagkabuo ng Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM.
Binigyang diin ni Alvarez na kahit walang BBL ay hindi maiiwan ang ARMM sa ilalim ng Duterte government dahil sa isinusulong nito paraan ng gobyerno.
ARMM
Pinalagan ni ARMM Governor Mujiv Hataman ang planong pagsantabi sa Bangsamoro Basic Law upang bigyang-daan ang pagsusulong ng pederalismo sa Kongreso.
Ayon kay Hataman, tila maling mensahe ito para sa mga Moro Islamic Liberation Front (MILF) at iba pang nagnanais na matuldukan ang mahabang panahon ng kaguluhan sa Mindanao.
Posible rin aniyang lalong maghirap ang armm sa ilalim ng federal form of government.
Aniya, hindi nila isusuko ang BBL at sa pamamagitan ng partylist group na Anak Mindanao na muling ihahain ang panukalang BBL sa Kamara.
By Rianne Briones