TATLONG araw bago ang halalan sa Mayo 9, lalong nasigurado ang panalo ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., matapos itong magtala ng 58 porsyentong voter preference sa pinal na survey ng OCTA Research na isinagawa nitong Abril 22-25.
Si Marcos na number 7 sa opisyal na balota ng Comelec, ay tumaas pa ang numero ng isang porsyento kumpara sa kanyang 57 porsyento sa survey ng OCTA Research nitong Abril 2-6.
Base sa survey na isinagawa sa 2, 400 respondents sa buong bansa, napanatili ni Marcos ang kanyang malaking lamang na 33 porsyento sa kanyang pinakamalapit na katunggali na si Leni Robredo na nakakuha lamang ng 25 porsyentong voter preference.
Nasa malayong pangatlong pwesto naman si Isko Moreno na umiskor ng walong porsyento, sinundan ni Manny Pacqauiao na may limang porsyento at nasa ika-limang pwesto pa rin si Ping Lacson na nakakuha ng dalawang porsyento.
Napanatili rin ni Marcos ang kanyang malaking lamang sa lahat ng lugar sa bansa matapos itong magtala ng 46 porsyento sa NCR; 59 porsyento sa Balance Luzon; 62 porsyento sa Visayas; at 56 porsyento sa Mindanao.
Si Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard bearer rin ang nanguna sa lahat ng socio economic class na nakakuha ng 53 porsyento sa Class ABC; 60 porsyento sa Class D; at 54 porsyento sa Class E.
Matatandaan na si Marcos ay nauna ng nakakuha ng 57 porsyentong voter preference sa survey ng OCTA Research nitong Abril 2 hanggang 6.
Katulad ng inaasahan, nasa malayong pangalawa rin si Robredo na may 22 porsyento , Isko Moreno, siyam na porsyento, Manny Pacquiao, pitong porsyento; at Ping Lacson, apat na porsyento.
Nito ring Mayo 2, namayagpag din si Marcos matapos makakuha ng 56 porsyento sa pinal na survey ng Pulse Asia na Isinagawa sa 2, 400 respondents nitong Abril 16-21.
Nakakuha rin ng 56 porsyentong voter preference si Marcos sa March survey ng Pulse Asia at nanatili ring nangunguna na may 33 porsyentong kalamangan kay Robredo na umiskor lamang ng 23 porsyento, mas bumaba pa ito ng isang porsyento kumpara sa kanyang 24 porsyento nitong Marso.
Nasa malayong pangatlo naman si Pacquiao na may pitong porsyento, habang ika-apat si Moreno, na mayroong apat na porsyento, at Lacson sa ika-limang pwesto na may dalawang porsyento.