DALAWANG araw bago ang halalan sa Lunes, napanatili ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na numero siyete (7) sa balota, ang malaki niyang kalamangan matapos makapagtala ng 64% voter preference sa final survey ng Laylo Research na isinagawa nitong Mayo 1-4.
Si Marcos ay nakapagtala rin ng 64% nitong Abril 14-22 sa Laylo survey, at napanatili ang malaking kalamangan na 40 percentage points laban sa kanyang pinakamalapit na katunggali na si Leni Robredo, na nasa malayong pangalawang puwesto pa rin na mayroong 24% voter share.
Tabla naman sa malayong ikatlong pwesto sina Manny Pacquiao at Isko Moreno na kapwa nakakuha ng apat na porsyentong voter preference.
Isinagawa ang Laylo survey sa 3, 000 respondents sa buong bansa.
Nitong Abril 14-20, nakakuha rin si Marcos ng 64% voter preference habang noong nakaraang Marso ay umiskor naman siya ng 61% at napanatili ang 60 plus percent range na numero sa huling bahagi ng kampanya.
Napatunayan din ni Marcos na siya ang runaway winner sa halalan sa Lunes matapos mamayagpag at manguna sa lahat ng kilala at respetadong survey sa bansa simula pa noong nakaraang taon.
Iniulat na rin ng BizNewsAsia, ang pinakamalaking weekly news and business magazine sa bansa na base sa resulta ng mga survey, si Marcos ang tatanghaling ika-17 pangulo ng bansa na may malaking kalamangan sa kalaban na posibleng umabot sa 20-26 milyong boto.
Sa finaly survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong Mayo na nakarating sa media, unbeatable pa rin si Marcos na nakakuha ng 54% voter preference.
Napanatili niya ang 36% margin laban kay Robredo na nananatiling nasa malayong pangalawa na may 18%.
Nito ring Mayo 2, umiskor din si Marcos ng 56% sa final survey ng Pulse Asia na isinagawa sa 2, 400 respondents nitong Abril 16- 21.
Kumbinsido rin ang Pulse Asia na karamihan sa 65 milyong botante sa bansa ay nakapagdesisyon na at hindi na magpapalit ng kanilang napiling kandidato.
Sa panayam kamakailan sa DZRH, sinabi ni Ana Maria Tabunda, Research Director ng Pulse Asia, na naniniwala siya na ang resulta ng kanilang survey ay malaman na siya na ring magiging resulta ng halalan sa Lunes.
“Magbago man kaunti lang hindi na magkakaroon ng upset. Mahihirapan na talaga yung ibang contender na makahabol,” inihayag ni Tabunda.
Maging sa final survey ng OCTA Research, naka-semento na rin ang malaking kalamangan ni Marcos matapos magtala ng 58% voter preference na isinagawa nitong Abril 22-25.
Sa survey na isinagawa sa 2,400 respondents, napanatili ni Marcos ang malaking kalamangan na 33% laban kay Robredo na nakakuha lamang ng 25% voter preference.