Inihain sa mababang kapulungan ng Kongreso ang P1.5 trillion Bayanihan 3 upang masuportahan ang bayan bangon muli agenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Layunin ng House Bill 271 o National Economic Stimulus and Recovery Act of 2022 na tustusan ang unang tatlong taon ng administrasyong Marcos para makalikha ng milyong trabaho at i-angat ang ekonomiya ng Pilipinas.
Ito’y sa gitna ng epekto ng covid-19 pandemic at krisis dulot ng Russia-Ukraine war.
Ang nasabing panukala ay ini-akda nina Camarines Sur Representatives Lray Villafuerte, Tsuyoshi Anthony Horibata, Miguel Luis Villafuerte at Bicol Saro Partylist Rep. Nicolas Enciso VIII.
Iginiit ni Villafuerte na ang panukala ay naka-batay sa mga naunang priority legislation na binanggit ni incoming Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa 19th Congress na tinawag na Bayan Bangon Muli Bill.
Alinsunod ito sa mga naunang bayanihan to heal as one o Bayanihan 1 at Bayanihan to Recover as One o Bayanihan 2 na naging batas noong 2020 bilang tugon ng gobyerno sa pandemya.