Humataw na naman si Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa panibagong survey sa hanay ng mga tumatakbo sa pagka-pangulo sa May 2022 elections.
Batay sa pinakahuling presidential preference survey ng PUBLiCUS Asia Inc., lumabas na nakakuha si Marcos ng 49.3% ng mga boto mula sa mga respondents.
Pangalawa naman si Vice President Leni Robredo na may 21.3% habang pumangatlo si Manila Mayor Isko Moreno na may 8.8% at sinundan nina Sen. Ping Lacson (2.9%) at Sen. Manny Pacquiao (2.8%).
Milya-milya ang kalamangan ni Marcos kumpara sa iba pang presidential hopefuls dahil sa National Capital Region (NCR) pa lamang ay nakasungkit na ito ng 40% na boto habang humakot din ang dating senador ng 55.7% na boto sa North at Central Luzon at 38.2% sa South Luzon.
Nasa 44.7% naman ang nakuhang boto ni Marcos sa Visayas habang nakakalulang 62.5% sa Mindanao.
Ang Pahayag survey ay ang latest presidential preference survey na lumabas makaraang magdeklara si Davao City Mayor Sara Duterte na hindi ito tatakbo sa pagka-presidente sa darating na halalan.
Magugunitang maging sa mga informal surveys gaya ng Kalye Surveys ng ilang vloggers sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay lumitaw na si Marcos ang gustong iboto ng mga tao sa darating na eleksyon.