Pinag-ko-komento ng korte suprema ang kampo ni presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Commission on Elections (COMELEC) maging ang senado at kamara sa iniakyat na disqualification case laban kay BBM.
Ang nabanggit na petisyon ay isinumite ng grupo ni Christian Buenafe, noong Lunes.
Alinsunod sa En banc Resolution kahapon, pinasasagot ang mga respondent sa loob ng 15 araw makaraang matanggap ang ‘notice’ hinggil sa mga alegasyon na hindi nabigyan ng tamang proseso ang petisyon na isinampa sa poll body laban kay Marcos.
Kinuwestiyon ng grupo nina Buenafe ang mga resolusyon ng COMELEC na may petsang January 17, 2022 at May 10, 2022, na nagbabasura sa petisyon nila kontra sa dating senador.
Nakasaad din sa petisyon na nararapat na tanggihan o kanselahin ng COMELEC ang inihaing ‘Certificate of Candidacy’ (COC) ng dating Ilocos Norte governor para sa posisyon ng pangulo ng bansa.
Binigyang-diin ng grupo ni Buenafe na nakagawa ng krimen ukol sa ‘moral torpitude’ at perjury si Marcos dahil umano sa maling nakalahad sa kanyang COC sa kaniyang eligibility sa pagtakbo kaugnay sa kaso nang hindi pagbabayad ng buwis. – sa ulat ni Bert Mozo (Patrol 3)