Kumpiyansa si presidential aspirants at former Senator Ferdinand “Bong-bong” Marcos na malaki ang maitutulong ng mga kooperatiba upang mas mapaganda ang programang pang-agrikultura sa bansa.
Ayon kay Marcos, naniniwala siya na ang mga koopertiba ang magiging daan upang mabilis na makarating sa mga magsasaka ang mga impormasiyon at benepisyo mula sa pamahalaan.
Malaking bahagi din sa mga magsasaka ang kooperatiba dahil sila ang magpapaliwanag tungkol sa mga bagong uri ng binhi at pananim, gayundin ang mga bagong teknolohiya at pamamaraan, na kanilang magagamit upang mas mapabuti pa ang kanilang produksyon at kita.
Matatandaang namahagi ang dating gobernador at senador ng seed money sa lalawigan ng Ilocos Norte kasabay ng pagsasanay sa mga magsasaka gaya ng accounting, business planning, bank dealing, at basic bookkeeping.
Base sa Senate Bill No. 3245 o “Cooperative Development Authority Charter Act. Kung saan, si Senator Marcos Jr. ang may akda, layunin nitong mapabilis ang pagtugon ng cooperative development authority sa mga problema at magkaroon ng sapat na pondo, tulong at pangangasiwa sa mga kooperatiba.
Sa naging pahayag ng World Bank at Department of Agriculture, isa sa paraan upang mapataas ang produksyon ng agrikultural ng mga magsasaka ay sa pamamagitan ng paggawa at pag-organisa ng mga kooperatiba at iba pang samahan na makakapagpataas ng kanilang kita at siyang magpapalakas sa kalagayang sosyo-ekonomiko upang magtagumpay ang sektor ng agrikultura sa bansa.
Sa ngayon, nasa halos sampung milyong pilipino na o sampung porsyento ng populasyon ang miyembro ng kooperatiba na nanatiling nasa microscale at nabigong maging large scale enterprises.