NANAWAGAN si presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na maglagay ng mga Kadiwa rolling store sa bawat barangay upang maiwasan ang kagutuman na naranasan ng mga Pilipino noong unang pumutok ang pandemya sa bansa.
Ayon kay Marcos dapat mayroong Kadiwa stores sa bawat barangay upang makatulong sa mga mamimili na makabili ng kanilang mga kailangan, lalo na ang pagkain sa mas mababang halaga kumpara sa mga pribadong pamilihan.
“Maganda na bumalik ito dahil effective ito at maraming natutulungan,” sabi ng standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas.
Muling binuhay ng Department of Agriculture noong nakaraang taon ang programa ni dating First Lady na si Imelda Marcos na “Kadiwa” matapos magtaasan ang presyo ng bilihin dahil sa mga ipinatupad na lockdown upang mapigilan ang pagkalat ng Covid19.
Noon pa man ay hinihikayat na ni Marcos ang pamahalaan na suportahan ang mga magsasaka at bilhin ang kanilang ani dahil gobyerno lamang ang may kakayahan na ibenta ang mga ito sa mababang halaga.
“The Kadiwa system enabled the public to buy goods at cheaper rates and the farmers to sell their crops without having to worry about transportation costs,” ayon kay Marcos.
“’Yung produkto na binili ng gobyerno, ‘yung hawak nilang supply ay puwedeng ipagbili ng mura. Gumawa sila ng rolling store para pumunta kung saan may customer. Paano nila ginagawa ‘yan? Napakasimple, ang gobyerno hindi negosyo kaya’t naipapasa nila ang mga produkto na ‘yan — bigas, palay, mais ng kahit anong produkto — sa consumer ng walang karagdagang kita,” dagdag pa nito.
Nagpasalamat si Marcos sa pagkakabalik ng programs na sinimulan noong administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ngunit ayon sa kanya ay may puwang pa para mas mapabuti ang programa, kasama na din ang pamamalakad sa Food Terminal Inc., upang makasiguro na may sapat na supply na makakarating sa mga mamamayan.
Sa programang Kadiwa, naniniwala si Marcos na maisasalba ng pamahalaan ang sektor ng agrikultura na naghihirap noon pa man bago matamaan ang bansa ng pandemya.
Idinagdag pa niya na ang pagtulong sa sektor na ito ay magreresulta sa maraming trabaho, mataas na produksiyon at tiyak na supply ng pagkain sa bansa.
Hinihikayat din ni Marcos ang mga Pilipino na suportahan ang mga magsasaka at kanilang produkto dahil kailangan nila ito lalo na ngayon na unti-unti nang umaahon ang bansa mula sa paghihirap na dulot ng pandemya.