Tila resbak umano ng taumbayan ang pangunguna ngayon sa mga survey ni Partido Federal ng Pilipinas Standard-Bearer Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Ayon kay Roberto “Ka Obet” Martin, National President ng Pasang Masda, naniniwala siya na ang mga resulta ng survey ngayon ay karma sa ginawang pandaraya noon kay Marcos na tumakbong bise presidente noong 2016 elections.
Giit ni Martin, nasaan na ang mahigit 14 na milyong botante ni Vice President Leni Robredo kung talagang totoo ang resulta noong 2016 Vice Presidential Race.
Sa pinakabagong Presidential Preference Survey na isinagawa ng Publicus Asia Inc., nangibabaw si Marcos na nakakuha ng 49.3% ng boto. Si Leni Robredo ay nakakuha ng 21.3%, si Manila Mayor Isko Moreno ay may 8.8%, habang si Ping Lacson ay may 2.9% at si Manny Pacquiao naman ay may 2.8%.
Nakita rin sa survey na angat si Marcos sa key voting areas gaya ng National Capital Region (NCR), kung saan nakakakuha siya ng 40% ng mga boto, 55.7% naman sa North at Central Luzon at 38.2% sa South Luzon, sa bisaya naman ay nakakuha siya ng 44.7% at tumataginting naman na 62.5% sa Mindanao.
Makikita rin ang pangingibabaw ni Marcos sa mga kalye survey na ginagawa ng mga youtube vloggers sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kasama ang Pasang Masda sa mga transport groups na nagpahayag kamakailan ng suporta sa kandidatura ni Marcos.