Namayagpag muli si Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang ‘most preferred presidential candidate’ sa isinasagawang non-commissioned survey kamakailan.
Sa pinakabagong resulta ng survey ng Issues and Advocacy Center o The CENTER, nakakuha ng malaking bilang ng pangsang-ayon at pipiliin ng mga botante bilang Pangulo sa gaganaping halalan sa susunod na taon ang dating Senador.
Sa kabuuang 2,400 respondents na pinulsuhan sa isinagawang survey mula Setyembre 27 hanggang Oktubre 9, nangunguna si Marcos sa pagka-Panguluhan sa nakuhang 23.5%, habang pumangalawa si Sen. Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao na may 19.75% kasunod sina Manila Mayor Isko Domagoso Moreno na may 18%; Vice President Leni Robredo na nakakuha ng 14%; Sen. Panfilo Lacson na may 12.50%; Sen. Bato dela Rosa sa 7.75%; Ka Leodegario de Guzman (3.25%) at dating National Security Adviser Norberto Gonzales sa 1.25%.
Itinuturing na ‘very significant’ ng The CENTER ang mataas na markang 23.5% rating na nakuha ni Marcos.
Taliwas sa naipahayag ng naturang research group na walang organisasyon o indibidwal kundi tanging ang aksyon ng dating Senador ang dapat bigyang kredito sa nakuhang 23.5% rating, tahasang ibinida ni Marcos na ang patuloy na magandang resultang nakukuha niya sa survey ay bunga ng determinadong pagsuporta ng Partido at iba pang samahan at grupo na naninindigan at naniniwala sa kanyang isinusulong na pagkakaroon ng mapagkaisang lider o unifying leadership.
Kamakailan, inilabas ng PUBLiCUS Asia Inc, ang resulta ng kanilang 3rd Quarter survey kung saan nangunguna si Marcos sa Presidential candidates, sapat para makumpirma ang katotohanan sa isinagawang Kalye Survey ng ilang YouTube Vloggers kung saan nakita ang pagtaas ng suporta kay Marcos sa grassroots level, kabilang ang tinatawag na mga marginalized.