Ipinauubaya na ni presidential aspirant at dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kababaihan ang desisyon sa kontrobersyal na issue ng abortion.
Sa 2022 Presidential One-on-one interviews sa “Talk Show King” ng Asya na si Boy Abunda, ipinunto ni Marcos na karapatan ng isang babae kung gusto o ayaw nitong magpalaglag.
Ayon sa dating Ilocos Norte Governor, pabor siya sa abortion basta’t para sa “very severe cases” tulad ng rape, incest at kung mayroong medical condition.
Kung mapapatunayan naman anya na ginahasa at hindi consensual sex ang nangyari at kalauna’y nabuntis, “choice” ng isang babae na magpa-abort o hindi.
Binigyang-diin ni Marcos na ang babae ang mas may karapatang magdesisyon para sa katawan nito sa halip na pangunahan tulad ng Simbahang Katolika na numero unong tutol sa aborsyon.