WALANG kaduda-duda na talagang suportado ng mayorya ng mga Pinoy si incoming President Ferdinand ”Bongbong’Marcos dahil kabilang sa 31 milyon na nagbigay sa kanya ng makasaysayan at record-breaking na pagkapanalo ay mga kababayan natin na nasa ibang bansa.
Maliban sa pangunguna sa halos lahat ng rehiyon at voting classes sa bansa, si Marcos ay nakakuha din ng landslide victory mula sa mga overseas Filipino voters.
Base sa ulat mula sa ibat-ibang Philippine diplomatic posts at sa mismong Commission on Elections (Comelec) Transparency Media server ay nagpakita na si Marcos ay nakakuha ng 330,231 na boto, na malayong -malayo ang lamang mula sa 89,624 na nakuha ng pumapangalawa sa kanya.
Sa Asia Pacific cluster kung saan kabilang ang China, Japan, Australia, Thailand, Malaysia, Korea, Singapore, at Taiwan, nakakuha si Marcos ng 159,186 na boto habang 35,862 na boto lang ang nakuha ni Leni Robredo.
Ang pinakamaraming boto na nakuha ni Marcos ay sa Singapore kung saan 36,806 na ang nakuha niya laban sa 12,283 ni Robredo.
Sumunod ang Japan kung saan nakakuha siya ng 25,410 na boto at sa Taiwan na may 23,906.
Ang kalamangan ni Marcos ay patuloy hanggang Middle East at Africa cluster, na binubuo ng Lebanon, Qatar, Saudi Arabia, Kuwait, Oman, United Arab Emirates, at Bahrain.
Nakakuha ang presumptive president ng 111,025 na boto habang 19,856 lang si Robredo.
Sa Saudi Arabia na mayroon ng 98% voter turnout, nakakuha si Marcos ng 46,748 na boto kumpara kay Robredo na 8,582 lang.
Napanatili din ni Marcos ang kanyang pangunguna sa America at Europe clusters, kung saan nakakuha siya ng 28,623, at 31,397.
Base sa partial at unofficial results na inilabas nitong May 13, 2022, patuloy ang pangunguna si Marcos sa presidential race na may 31,104,175 na boto habang 14,822,051 naman ang sumunod sa kanya.