Pinasaya ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. nitong Martes ang nasa 500 bata sa Marcos Village sa Mabalacat at mga Aeta communities sa Pampanga at Tarlac.
Sinalubong ng mga bata sa Marcos Village gymnasium kung saan isinagawa ang gift giving.
Ayon kay Marcos, ang Pasko ay sumisimbolo sa kapanganakan ni Jesus kaya’t dapat itong ipagdiwang taun-taon, lalo na ng mga bata.
Aniya, kapag nakita niya ang ngiti ng mga bata ay nararamdaman niya ang Christmas spirit.
Kabilang sa mga nabigyan ng aginaldo ang 300 kabataan sa Barangay Marcos Village at 200 bata mula sa Aeta Indigenous Peoples and Indigenous Cultural Communities sa Bamba, Mabalacat, City, Pampanga at Tarlac.
Maliban dito, mahigit 500 food packs din ang ipinamahagi ni BBM sa naturang barangay.
Nakisaya ang mag-aamang Marcos sa mga bata kung saan ay sumali ang mga ito sa inihandang native dance ng mga paslit.
Inalala ni Marcos ang kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos na iminulat sa kanya ang kahalagahan at pagmamahal sa mga indigenous people.
Sinabi pa ni BBM na dapat na kilalanin at i-promote rin ang karapatan at kapakanan ng mga ito.