MAGANDANG balita sa mga empleyado ng pamahalaan na hanggang ngayon ay hindi pa rin permanente ang status.
Sinabi ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard bearer at presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., na panahon na upang pag-ukulan naman ng atensyon ang mga manggagawa sa pamahalaan na hanggang ngayon ay hindi pa rin nari-regular sa trabaho kahit kwalipikado naman.
Ayon kay Marcos, ramdam niya ang kahirapan ng lahat ng ating mga kababayan at maraming mga manggagawa na matagal ng naglilingkod sa pamahalaan ang hanggang sa ngayon ay nananatiling contract of service o di kaya naman ay job-order workers.
“May 180,000 unfilled plantillas kaya unahin natin iyong punuin at ayusin tapos silang mga JO workers sa national at LGUs ay sisikapin din nating ma-regular nang naaayon sa pondo ng pamahalaan at itinatadhana ng batas,” dagdag pa niya.
Sa kasalukuyan, maraming job order workers sa gobyerno lalo na iyong mga nasa local government units na sumasahod lamang ng mahigit P10,000 kada buwan.
Sobrang baba nito kumpara sa minimum wage ng nasa pribadong sektor na P537 kada araw o umasahod ng P13,962.
“Iyong minimum wage nga natin mababa na, tapos mayroon pa palang mas mababa diyan at ang masaklap sila pa iyong nagsisilbi sa bayan mga manggagawa ng pamahalaan,” sabi pa ni Marcos.
“Hindi ko lubos maisip kung paano nakakaraos ang ating mga JO workers ngayon. Aayusin natin iyan para namin maging masaya rin ang kanilang pamilya,” dagdag pa nito
Maliban dito, ang mga manggagawa na casual at job-order maliban sa mas mababa ang sweldo ay karaniwang hindi nakatatanggap ng mga benepisyo tulad ng mga Christmas bonus at 13th month pay na nakukuha ng mga regular o permanenteng empleyado.
Dahil dito sinabi ni Marcos na hindi lamang sa pribadong sektor may malaking problema sa kontraktwalisasyon, kundi matagal na ring problema kahit sa pamahalaan dahil marami sa kanila ay mga job order o contract of service lamang.
Sa kasalukuyan, aabot sa 600,000 hanggang 700,000 job-order workers ang nasa gobyerno.
Nasa 180,000 naman ang ipinalalagay na nasa ‘unfilled plantilla positions.’
Isa sa dahilan kaya hindi ma-regular ang ilang JO worker ay dahil sa kakulangan ng kwalipikasyon, partikular na ang eligibility mula sa Civil Service Commission (CSC).
Kung si Marcos ang tatanungin, nais nitong magpasa ng batas para mabigyan ng pagkakataon ang mga empleyado na consistent na nakakakuha ng ‘outstanding performance ratings’ sa loob ng tatlong taon, para ma-promote at maging regular.
“Kung maganda naman ang kanilang rekord sa trabaho at consistent ang outstanding performance ratings, baka puwede na silang gawing regular kahit walang kaukulang civil service eligibility,” ani Marcos.
“Hindi tama na naninilbihan ang empleyado na contractual, job order o moa (memorandum of agreement) workers sa mahabang panahon na walang employer-employee relationship. Masakit din para sa kanila dahil wala man lang silang natatanggap na benepisyo kaya dapat ibigay natin ang nararapat, lalo na ang kanilang dignidad,” sabi pa ni Marcos.
Idinagdag pa niya na ang mga government workers ang frontliners ng pamahalaan – may pandemya man o wala kaya sakaling manalo siya sa darating na May 9 elections, pipilitin niyang ma-regular sa trabaho ang daang libong bilang na JO workers ng pamahalaan.