Inendorso ng mga partido ng dalawang dating pangulo ng bansa ang BBM-SARA uniteam na sina presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. At vice-presidential aspirant Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio bilang kanilang opisyal na kandidato para sa halalaan 2022.
Kamakailan lamang ay nakipag-alyansa ang partido ni dating presidente Gloria Macapagal-Arroyo na Lakas-CMD at pwersa ng masang pilipino ni dating presidente Joseph Estrada sa Partido Federal ng Pilipinas na pinapangunahan ni Marcos at Mayor Sara.
Dahil dito, inaasahang lalakas pa ang tambalang BBM-Sara at sa kanilang isinusulong na nagkakaisang pamamahala lalo na’t sila ay nasa proseso na ng pagpapatibay ng suporta sa kanilang mga teritoryo o mas kilalang “solid north” at “solid south.”
Magbibigay daan din ito sa isang malakas na political bloc na nakatulong sa kandidatura nina Macapagal-Arroyo, Estrada, at dating pangulong Fidel Ramos upang maging pangulo ng bansa.
Samantala, inaasahan naman ni Mayor Sara na simula pa lamang ito nang sunod-sunod na pagbuhos ng suporta sa BBM-Sara Uniteam kasabay ng panawagan sa mga kaalyado na patuloy na manghikayat ng suporta mula sa iba pang mga partido para sa eleksyon 2022.