NANGUNA na naman ang tambalan nina dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte sa pinakahuling presidential at vice presidential survey ng Publicus Asia Inc.
Nabatid na sa Dec. 6-10, 2021 Pahayag Q4 survey na nilahukan ng 1,500 respondents, nanguna sa mga presidentiable si Marcos na nakakuha ng 51.9% na sinundan ni Vice-President Leni Robredo, 20.2%; Manila Mayor Isko Moreno, 7.9%; Sen. Bong Go, 3.9%, Sen. Ping Lacson, 3.4%. at Sen. Manny Pacquiao, 2.3%.
Sa vice presidential candidates, nanguna si Mayor Sara na nakakuha ng 54.8% habang sumunod naman sina Dr. Willie Ong, 11.2%; Senate President Vicente Sotto III, 11.0%; Senador Kiko Pangilinan, 9.7%; Buhay Partylist Rep. Lito Atienza, 1.5, at Walden Bello, 0.7%.
Samantala, sa isa namang presidential at vice presidential pre-election survey ng DZRH sa buong bansa, nanguna rin ang BBM-Sara UniTeam.
Ayon sa DZRH, sa Dec. 11-12 survey, nanguna sa presidential aspirants si Marcos sa pamamagitan ng 49.2% kung saan sinundan nina Robredo, 16.2%; Moreno, 10.4%; Pacquiao, 8.2%; Go, 5.8%; at Lacson, 4.9%.
Maliban dito, humataw din si Mayor Sara sa hanay ng vice presidentiables makaraang makakuha ng 50.5% habang sumunod sina Sotto, 20.7%; Pangilinan, 10.2%; Ong, 8.4%; Atienza, 2.2%; at Bello, 7.2%.