Naghatid ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong odette ang UniTeam presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at vice presidential aspirant Sara Duterte kahapon, huwebes, December 30, 2021.
Unang binisita ng BBM-SARA team ang Dinagat Islands na isa sa matinding hinagupit ng bagyo kung saan, sinalubong sila ni Lone District Congressman Alan Ecleo kasama ang ilang mga opisyal sa isla.
Kabilang sa ibinahagi ng UniTeam ang 2.5K sako ng bigas, halos 1K pares ng tsinelas, at 10 sets ng bucket water filter na malaking tulong upang makagawa ng malinis na maiinom na tubig na pinaka kailangan ng mga pamilyang apektado sa lugar.
Bukod pa diyan, namahagi din ng tig-P1M tulong pinansyal ang UniTeam upang magamit para sa paghahatid ng tulong sa mga biktima ng bagyo.
Samantala, binisita din ng BBM-SARA tandem ang Puerto Prinsesa, Palawan na malubha ding hinagupit ni bagyong Odette.
Aabot naman 3K sako ng bigas, halos 1K pares ng mga tsinelas at P3M tulong pinansyal ang ipinamahagi ng uniteam para sa mga pamilyang nasalanta.
Huli namang pinuntahan nina Bongbong at Sara ang dalawang magkahiwalay na lugar sa Cebu kabilang na ang Liloan at Lapu-Lapu City kung saan, nasa 3K sako ng bigas, halos 1K pares ng tsinelas at P1M tulong pinansiyal ang natanggap ng munisipalidad ng liloan, mula sa BBM-SARA UniTeam.
Nakatanggap din ang siyudad ng Lapu-Lapu ng P1M at 2K sako ng bigas, at isang set ng reverse osmosis water filtration na may pressure supply unit para magamit ang tubig dagat bilang inumin.
Samantala, plano namang magbigay pa ng tulong partikular na ang mga gamot at iba pang pangangailangan ng mga senior citizens ang UniTeam.
Nilinaw naman ni Marcos na ang pagbibigay ng tulong ng BBM-SARA UniTeam ay bilang karadgadang suporta para sa mga lugar o probinsya na hindi pa naabot ng gobyerno.
Nagbigay naman ng mensahe sina Bongbong at Sara sa lahat ng mga nasalanta ng bagyo na huwag mawalan ng pag-asa bagkus ay magtulungan upang malampasan ang nagdaang sakuna.
Nanawagan din ang UniTeam sa publiko na ipagdasal ang lahat ng mga residenteng nasalanta ng bagyong Odette.