SINUYOD ngayong linggo ng BBM-Sara UniTeam ang mga lalawigan sa Region 1 at 2 na kilala sa tawag na Solid North na kinabibilangan ng Cagayan, Ilocos Sur at Ilocos Norte kung saan ay buong lugod silang tinanggap ng mga mamamayan na nagdiwang sa pagdalaw nila sa kani-kanilang lugar.
Bagama’t walang dudang balwarte na nang mga Marcos ang Solid North, sinikap pa rin ng tambalan na makasama ang mga mamamayan doon para ihatid ang kanilang mensahe ng pagkakaisa, pagtutulungan at pagkakasundo.
Sa bayan ng Pagudpud, dumagsa ang mga supporter na nag-abang sa pagdating ni presidential bet Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at running-mate na si Inday Sara Duterte. Marami sa kanila ay umaga pa lang ay pumunta na sa lugar dahil sa sabik na makita ng personal ang dalawa.
Nakilahok naman sa caravan sina Sen. Imee Marcos, Gov. Matthew Manotoc at si Sandro Marcos.
Naging mainit ang pagsalubong sa BBM-Sara UniTeam caravan sa bayan ng Burgos, Pasuquin, Bacarra at Laoag, sa bawat bayan ang sigaw ng mga supporter ay “Bongbong-Sara.”
Nagbigay naman ng talumpati at pasasalamat ang UniTeam sa kanilang mga taga-suporta.
“Nagpapasalamat po ako sa inyong mainit na pagsalubong, mabuhay ang Ilocos Norte, mabuhay ang Pilipinas at mabuhay ang Pilipino,” ayon kay Inday Sara.
“Maraming salamat po sa aking mga kababayan, nandito na ang ating susunod na bise-presidente, ang pinaka-astig, pinakamagaling at pinakamahusay, ang agila ng Davao, Mayor Inday Sara Duterte,” sinabi naman ni Marcos sa salitang Ilocano.
Kakaibang pagtanggap din ang ginawa ng mga Ilocano kay Sara na binigyan nila ng bulaklak, larawan at hinandugan din ng lokal na sayaw.
Sinuyod din ng UniTeam ang bayan ng Laoag kung saan ay dinagsa rin sila ng libo-libong mga tao.
Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na tinatayang mahigit isang milyon ang nakilahok sa caravan ng BBM-Sara UniTeam.
Una rito ay nagtungo rin sa lalawigan ng Cagayan ang UniTeam kung saan ay dinumog din sila ng mga taga suporta na hindi inalintana ang sobrang init ng panahon at matiyagang naghintay pa rin sa kanila.
Kahit ang mga tao na nasa gitna ng mga kaparangan at mga palayan sa bayan ng Iguig ay makikitang may hawak na mga bandila na nagpapakita ng suporta sa tambalan.
Maririnig din ang mga sigaw na “BBM-Sara” habang sinasalubong sila ng mga tao.
Dumalo sa kanilang programa ang ilang lider sa lalawigan na kinabibilangan nina dating Sen. Juan Ponce-Enrile, anak na si Katrina na tumatakbong kongresista ng First District at si Perla Tumaliuan, na tumatakbo naman na bise-gobernador.
“Ang susunod na magsasalita ay talagang hindi na mapipigilan, palaki ng palaki ang kanyang lamang sa karera ng pagka-pangulo. Hindi ko na pahahabain dahil alam kong gustong-gusto niyo na siyang mapakinggan,” sabi ni Katrina.
“Pero gusto ko lang idagdag na ngayong araw din po ay ating pasisinayaan ang BBM-Sara campaign headquarters dito sa Cagayan. Malaking karangalan po na pinaunlakan ang ating munting imbitasyon ng ating susunod na Presidente ng Pilipinas, itaga niyo na ‘yan sa bato, ang Tigre ng Norte, Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos,” dagdag niya.
Sa kanyang talumpati ay pinasalamatan ni Marcos ang mga taga-Cagayan at maging si Sen. Enrile na pinili na ipagdiwang ang ika-98 taong kaarawan kasama ang UniTeam.
“Tandaan po natin ito. Sa birthday ni Senator Juan Ponce Enrile, nagsimula dito sa Norte ang kilusan ng pagkakaisa… Ipagpatuloy po nating palabasin ang ugali ng Pilipino na nagmamahal sa kapwa, na tumutulong sa bansa… kapag napaganda na natin ang takbo ng ekonomiya, ng buhay ng bawat tao, haharapin po natin muli ang mundo at sasabihin natin na kami ay sikat na dahil kami’y nagkaisa,” sabi niya.
Umagaw din ng atensyon si Vincent, ang pinakabatang anak ni Marcos, lalo na sa mga kabataang babae na may mga hawak na placard na may nakasulat na “I love you, Vinnie.”