Pinakilos na ng BBM-Sara UniTeam ang kanilang volunteers upang mamahagi ng mga gamot at facemask sa mga ospital sa NCR sa harap ng patuloy na banta ng Omicron variant ng COVID-19 at pagsasailalim sa metro manila sa Alert Level 3.
Ipinag-utos ng tambalan nina presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at vice presidential aspirant, Davao City Mayor Sara Duterte ang pag-iimbentaryo ng supply ng gamot at facemask sa kanilang national headquarters upang agad maipamahagi sa mga ospital.
Ayon sa BBM-Sara UniTeam, napaghandaan na nila ang ganitong sitwasyon o posibleng pagtaas muli ng kaso ng COVID-19, kaya’t may stock silang facemasks at mga gamot galing sa kanilang mga supporter.
Tiniyak din ng BBM-Sara UniTeam na prayoridad ang mga frontliner na mabigyan ng proteksyon dahil mahalagang maayos ang kanilang kalagayan upang masigurong ligtas ang lahat.
Samantala, pinayuhan ng BBM-Sara UniTeam ang publiko na sumunod sa mga health protocol at mag-ingat sa COVID-19.