Muling bumalik at nagpaabot ng tulong sa mga nasalanta ng Bagyong Odette si Partido Federal ng Pilipinas standard bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., at ka-tandem na si vice presidential aspirant Sara Duterte.
Unang nagtungo ang dating senador sa Southern Leyte kung saan ay sinalubong siya ni Southern Leyte Gov. Damian Mercado at iba pang opisyal ng lalawigan.
Aabot sa P1 milyong ang ibinigay ng BBM-Sara UniTeam kay Gov. Mercado at P500,000 kay San Ricardo Mayor Roy Salinas.
Maliban sa tulong pinansiyal, namahagi rin ng 77 sets ng solar panels at LED flashlights ang BBM-Sara UniTeam para sa mga residente na wala pa ring ilaw at kuryente.
Nagpasalamat naman si Gov. Mercado sa mga natanggap na tulong at pinuri ang pagiging totoo ni Marcos sa kanyang pangako na babalik sa Southern Leyte.
Nagtungo rin sa isla ng Siargao sina Marcos at Mayor Sara upang magbigay ng P1-milyong tulong pinansiyal kay Surigao del Norte 2nd District Congressman Ace Barbers at P500,000 naman kay General Luna Mayor Cecilia Rusillon.
Naghatid din ng iba pang tulong ANG BBM-Sara UniTeam gaya ng mga bigas, relief goods, solar panels, 10 sets ng water bucket filter at water purifier system na kayang gumawa ng 180 gallons per hour na malinis na tubig.
Mababatid na problema pa rin sa Siargao ang maiinom na malinis na tubig.
Dumayo rin ang dating senador at alkalde sa Dumaguete para alamin ang sitwasyon ng probinsya.
Sinalubong sila ni Governor Roel Degamo at kanyang mga opisyal kung saan nagbigay din ng situational disaster report ang PDRRMC sa pinsala ng bagyong Odette sa Negros Oriental.
Namahagi rin ang BBM-Sara UniTeam ng P1-milyong tulong pinansyal ang kay Gov. Degamo at P500,000 kay Bayawan City Mayor Pryde Henry Teves na gagamitin para sa rehabilitasyon at iba pang pangangailangan.
Samantala, plano ni Marcos na magdala pa ng mga construction materials sa susunod niyang pagbisita matapos mabatid na bukod sa mga nasirang tahanan at paaralan, ay napinsala rin ang evacuation centers.
Umaasa ang dating senador na sa kabila ng nararanasan na hirap dulot ng bagyong Odette ay magiging positibo at babangon muli ang bawat isa para salubungin ng may ngiti at pag-asa ang taong 2022.