Balik-operasyon na ang BBM-Sara UniTeam Headquarters simula bukas, Enero 17.
Ito ang inanunsiyo ni BBM chief of staff Atty. Vic Rodriguez matapos ang dalawang linggong pagsasara nang magpositibo sa COVID-19 ang maraming staff at volunteers ng partido.
Gayunman, nilinaw ni Rodriguez na ang mga papapasukin lamang ay ang mga empleyadong negatibo na sa swab o RT-PCR tests.
Matatandang ipinag-utos ni UniTeam presidential bet Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagsasara ng kanilang headquarters makaraang tamaan ng virus ang 68 staff at volunteers.
Nabatid na bago ang temporary closure ay nakapaghanda na ang UniTeam office ng COVID-related items tulad ng vitamins, face masks, face shields at iba pang medical supplies na ipapadala sa mga ospital at medical facilities.
Sa kabila naman ng dagok na kinakaharap ng partido, sinabi ni Rodriguez na magdodoble-kayod sila upang maihatid ang mga relief goods at Covid-19 kits sa lahat ng mga benepisyaryo.