Patuloy ang mga ginagawang hakbang ng tambalan nina presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at vice presidential bet Sara Duterte upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.
Ayon sa BBM-Sara UniTeam, dapat na gawing prayoridad ang pamamahagi ng mga kailangang gamot at bitamina sa mga apektadong lugar.
Anila, dapat ding tutukan ang kalusugan ng mga biktima ng bagyo partikular na ng mga senior citizen, mga bata at mga sumasailalim sa mga maintainance medication at iba pang mga nangangailangan ng mga gamot.
Kaugnay nito, nanawagan ang BBM-Sara UniTeam upang makahanap ng mga gamot at iba pang tulong medikal para sa mga naapektuhang lugar.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Marcos sa mga kumpanyang nagbigay ng tulong para sa mga nasalanta ng nagdaang bagyo.
“Patuloy pa rin tayong maghahanap at tatanggap ng mga tulong mula sa iba’t ibang kumpanya para naman matugunan natin ng sapat ang pangangailangang pangkalusugan ng ating mga kababayan,” pahayag ni Marcos.