Nagpahayag ng suporta ang labintatlong abogado ng Ateneo Law School kay presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. para sa kanyang pangangampanya at pagbabantay ng boto sa halalan sa 2022.
Katunayan, personal na nagtungo ang mga abogado, pawang mga miyembro rin ng Fraternal Order of Utopia at nag-alok ng libreng serbisyong legal, sa tanggapan ng secretary general ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na si retired Gen. Thompson Lantion sa BBM headquarters sa Mandaluyong City.
Sinabi ni Atty. Richard Brett Uy, nais nilang personal na tutukan ang pagbabantay sa boto ni BBM, standard-bearer ng PFP, para hindi na maulit ang nangyari sa kanya noong 2016 elections. Ayon sa kampo ng abogado, posible pang madagdagan ang bilang ng mga susuporta sa tambalang BBM-Sara mula sa kanilang hanay sa mga susunod na araw.
Nilinaw naman ng mga ito na hindi nila balak panghimasukan ang mga petisyon na isinampa laban kay BBM sa Commission on Elections (COMELEC) dahil batid nila na marami nang nagtatanggol dito pero handa silang tumugon sakaling kailanganin sila.