NILINAW ng kampo ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na hindi kailanman umaatras ang pambato ng UniTeam sa anumang uri ng debate, ngunit ang ganitong mga programa ay dapat sumentro sa plataporma ng kandidato at hindi maging lugar upang sila ay magsiraan.
“Pagod na ang sambayanang Pilipino sa bangayan. Pagod na ang tao sa awayan. Ngayon kung tayo ay maglalagay lang ng forum para lang mag enjoy makitang nag-aaway si 1, 2, 3, 4, 5 candidates, hindi po kami sasali riyan dahil alam namin ang gustong marinig ng taumbayan ay solusyon dito sa problemang ating kinakaharap,” pahayag ni Atty. Vic Rodriguez, spokesman at chief of staff ni Marcos, sa isang panayam.
Hindi aniya takot sa debate si Marcos at mas tingin lamang ng BBM-Sara UniTeam na higit na epektibo ang isang format na one-on-one interview dahil mas napapakinggan ang mga plataporma de gobyerno ng isang kandidato.
“To me personally, to my mind, sinasabi ninyo sila ‘yung applicant for the highest position in the land, president, eh hindi ba kapag nag-aapply ka dyan (sa inyong istasyon) hindi ka naman para makipag-debate sa management kundi magpapa- interview ka,” ani Rodriguez.
“(Kaya) mas dapat malaking tulong para sa pambansang pagkakaisa kung ang format ay isang ‘presidential interview,’ sa halip na debate,” sabi pa ni Rodriguez.
“It should be a presidential interview rather than a debate. Hindi ka naman makikipagtalo sa magiging mga amo mo hindi ba? Kundi magpapa-interview ka and let them, your boses, or the management choose among the best and let them decide. Hindi ‘yung nakikipagtalo tayo sa management o sa kapwa aplikante. Hind ‘yun ang aming pananaw dito sa ginagawa nating kampanya para sa May 9, 2022 elections,” dagdag pa ng abogado.
Hindi rin totoo umano na takot humarap sa media o anumang uri ng forum si Marcos dahil marami na rin itong pinaunlakan bago pa magsimula ang pormal na kampanyahan nitong nakalipas na Pebrero 9.
“Hindi siya umiiwas at ang dami nang interviews ni presidential candidate Bongbong Marcos. Nandyan yung DZRH. Two hours ‘yan live. Nandyan yung kay Boy Abunda. Nandyan ‘yung DZBB. So lahat yan nagpapasuri siya,” ani Rodriguez.
“Subalit titignan namin kung ang direksyon lamang ay pag-away-awayin ang mga kandidato, I tell you now in your program, hindi kami sasali dahil nirerespeto namin ang sintemyento ng sambayanang Pilipino. Pagod na ho ang tao. Ang daming walang trabaho, ang daming underemployed. Ayaw na ho ng Pilipino ng awayan. Ang kailangan nilang marinig, ‘Bakit kita iboboto.’ ‘Ano ang solusyon mo sa problemang kinahaharap ng ating bansa’,” pagtatapos pa ng tagapagsalita ni Marcos.