Suportado nina Incumbent Ormoc City Mayor Richard Gomez at asawang si Leyte Rep. Lucy Torres-Gomez ang presidential bid ni Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa Halalan 2022.
Ayon kay Goma, subok na nila ang pagiging sinsero at mabilis na pagtulong ng dating senador sa tuwing magkakaroon ng trahedya at kalamidad sa kanilang lugar.
Sa isang meeting sa Maynila kasama si Marcos nitong Lunes, January 31, ibinahagi ng alkalde na matagal nang tumutulong sa kanilang lugar ang anak ng yumaong dating pangulo.
Ibinahagi naman ni Lucy na hindi sila pinabayaan ni Marcos nang salantain ng lindol ang Ormoc City at ang pamilya aniya ng presidential aspirant ang nangunguna sa pagbibigay ng tulong kapag nalalagay sa matinding pagsubok ang kanilang probinsiya.
Ito ay kahit pa walang pwesto sa pamahalaan si Marcos.
Matatandaang noong 2016 ay sinuportahan din ng mag-asawa ang vice-president bid ng dating senador.