Walang plano si dating Senador Bongbong Marcos na bitiwan ang kanyang electoral protest laban kay Vice President Leni Robredo.
Tugon ito ni Marcos sa mga nag-uudyok sa kanya na tumakbo na lamang uli bilang senador sa 2019 elections.
Binigyang diin ni Marcos na desidido siyang tapusin ang kanyang electoral protest dahil karapatan ng publiko na malaman ang tunay na resulta ng eleksyon sa pagka-bise presidente.
“Panay ang udyok sa akin, mag-senador ka na lang, tumakbo ka na lang, eh ang problema, bakit ako tatakbo ng senador eh nanalo na akong vice president? sa PET walang umabot sa stage na ito, nag-file lang ng protesta tapos tigil na, ako nag-file ng protesta at lahat na ng dapat gawin para makapag-recount ay ginawa ko na.” Ani Marcos
Kasabay nito ay binatikos ni Marcos ang napakabagal na pag-usad ng recount kahit pa aprubado na ito.
Pinuna rin ni Marcos ang tila laging pagpabor ng Presidential Electoral Tribunal o PET sa mga hirit ni Robredo.
“Napupuna namin na hindi yata patas ang nagiging laban dito dahil lahat ng desisyon na dinadala sa Tribunal, kay Caguioa ay pabor lagi ang desisyon niya sa kabila, pangalawa bakit pinapatagal nang pinapatagal ang proseso at parang yun ang strategy ng kabila na i-delay nang i-delay, nagtataka nga kami bakit hanggang ngayon, bakit hindi pa nakapag-recover kahit isang ballot box, gusto niyo kami magdadala rito.” Pahayag ni Marcos
(Ulat ni Aya Yupangco)